
Description
"There is only one remedy that can help. A kiss. This wound really hurts!" Dulce went to the town of Santa Fe with the purpose of finding the missing son of Dante Cardinal, the reason as to why she was able to study. And there Dulce met a rude man that she only knew by the nickname "Baba"...
Chapter 1
Feb 4, 2022
1
“`N AY, KUMUSTA?” Magandang ngiti ang isinalubong ni Dulce sa kanyang ina.
Mula sa ginagayat na patatas ay agad na napatingin sa kanya ang ina. Tumayo ito, saka siya niyakap, bagaman ang mga kamay ay hindi sumasayad sa kanyang damit. “Diyos ko, ang anak ko, sadyang napakaganda. Didith, Amparing! Madali kayo, nandito si Sese!” Iyon ang palayaw nito sa kanya.
Isa ang ina ni Dulce sa naunang kawaksi sa tahanang iyon ni Alba Cardinal, donyang itinuturing ng lahat. Si Alba rin ang itinuturing na “asawang legal” ni Dante Cardinal, kahit pa alam ng ilang matatagal nang naninilbihan sa bahay na iyon na hindi kasal ang dalawa.
Sa katunayan, dalagang-dalaga pa rin sa papel si Alba. Hindi rin “Cardinal” ang nakasulat sa legal nitong mga dokumento. Si Dante naman ay binatang-binata pa rin sa gulang na pitumpu, kahit ang bilang ng mga anak, ayon sa huling balita ni Dulce sa kanyang ina, ay umabot na sa limampu’t siyam. Iyon ay ang mga nagpakilalang anak pa lang. Natitiyak niyang marami pang mga anak ang hindi pa nagpapakilala.
Makulay ang buhay ni Dante Cardinal. Nagmula sa pamilya ng mga hacendero, si Dante ay pumalaot sa mundo ng show business noong panahong black and white pa lang ang pinilakang tabing. Sa mga kabataan ngayon, ang pangalan nito ay hindi na masyadong matunog. Mas matunog na ngayon ang pangalan ng ilang anak na sumunod sa yapak nitong maging artista.
Ilang taong nag-artista si Dante, isang action star. Nauwi sa pagnenegosyo ang lalaki at mula roon ay bumuo ng isang kompanya na sa ngayon ay isa na sa pinakamalaki sa buong Asya. Dapat lang dahil mula sa kompanyang iyon kumukuha ng pantustos sa lahat ng mga anak nito. Bawat isang supling ni Dante Cardinal ay mayroong nakukuhang dibidente mula sa malaking kompanya.
Hindi na kailangang sabihing napakaraming babaeng nagdaan sa buhay ng matanda. Noong bata si Dulce at naroon sa bahay na iyon dahil tumutulong siya sa ina, madalas na naririnig niyang usap-usapan na mayroon daw anting-anting sa mga babae si Dante. Makulay ang mga kuwentong naririnig niya noong bata pa siya at palagi na ay may pagkamangha siya tuwing titingin sa amo ng ina.
Dahil sa tahanang iyon, kahit na bukas sa kaalaman ng lahat na maraming babae si Ginoong Dante, nanatili ang paghanga rito ng lahat dahil sa taglay na kabaitan. Parang lahat ng tao ay kaibigan nito. Kahit mayaman ay walang isang batalyong bodyguard si Dante. Palagi na ay kasama lang nito ang isang driver, isang alalay, at isang bodyguard.
“Nasaan?” sabi ni Nanay Amparing, kasing-edad ng ina ni Dulce at mas matagal nang naninilbihan sa tahanang iyon.
“Aba’y lalong gumanda itong si Sese!” sabi ni Ate Didith, higit na bata sa dalawa pero may labinlimang taon na ring naninilbihan sa bahay na iyon. “Hindi na talaga bagay tawaging Seseng Uhugin!”
Natawa si Dulce kahit noong bata ay ayaw na ayaw niyang marinig iyon. Ilang ulit siyang muntik nang mapaluha kapag tinatawag siyang uhugin ng mga ito dahil masasakitin siya noon, palaging may sipon.
“Ay, bakit mo naman tatawaging uhugin, eh, kagandang bata? Puwede kang sumali sa Binibining Pilipinas, Sese!” sabi ni Nanay Amparing.
“ `Kuu , paanong sasali, eh, matanda na?” sabi ng kanyang ina. Minsan din nitong sinabi sa kanya ang bagay na iyon. Morena siya, mahaba ang buhok, matangkad. Maraming nagsasabi sa kanya ng ganoon noon pa pero wala sa mga beauty contest ang kanyang mundo.
“Ano bang matanda, eh, nasa kalendaryo pa naman!” sabi ni Ate Didith.
“Malapit nang mawala, pero wala pa ring asawa!” muli, ang kanyang ina.
Lihim na lang siyang napabuntong-hininga.
Pinagkaguluhan si Dulce ng tatlo na parang isa siyang artista. Aminado siya, may anim na buwan nang hindi nakakadalaw doon. At sa loob ng panahong iyon ay may ilang pagkakataon lang niyang nadalaw ang ina sa maliit na farm na ibinigay niya rito at sa kanyang ama. Ang kanyang ama ang mas madalas niyang makita dahil nagretiro na ito sa paninilbihan kay Ginoong Dante bilang all-around may limang taon na ang nakararaan. Nasa munting farm na lang ang matandang lalaki, retirado na at masaya sa pag-aalaga ng mga tandang at pag-aasikaso sa farm.
“Ano ba ang kinakain mo, Sese, nang magaya kita?” hirit ng isa pang kawaksi, si Magdalena. Kasing-edad niya ang babae na tatlong taon pa lang siguro sa tahanang iyon.
Natawa si Dulce. “Kung ano ang kinakain mo.”
“Bakit makinis ka, ako hindi?” tanong ni Magdalena.
“Paano, hindi ka naliligo,” komento ni Nanay Amparing.
Nagkatawanan silang lahat.
Nakaingos lang si Magdalena, pero nakangiti naman.
Ibinigay na ni Dulce ang kanyang pasalubong na pinagkaguluhan din ng mga ito. Masaya ang mga kawaksi sa tahanang iyon. Mabait ang mga amo, kahit pa magkaminsan ay nagsusungit si Madame Alba. Noon pang bata siya ay sinabi na sa kanya ng ina na unawain na lang daw nila kapag nakasimangot ang babae. Kahit sinong babae raw ang lumagay sa posisyon ni Madame Alba ay mapapasimangot din.
Ipinaghanda siya ng mga kawaksi ng makakain at maiinom, nagkukuwentuhan. Lokasyon ng masayang huntahan ang kusina. Doon niya unang narinig ang mga kawaksi na pinag-uusapan ang sitwasyon sa tahanang iyon.
“May hatid din sigurong bigat sa kalooban ni Madame na silang dalawa ni Sir ang magkasama pero iisa lang ang anak nila. Samantalang sa ibang babae, ilan ang anak ni Sir. Eh, ano naman ang magagawa niya kung wala na siyang matris? Dalawa sana ang magiging anak nila kung hindi siya na-ectopic. Kuwan, sa labas yata ng matris nabuo ang bata at nagkaroon ng komplikasyon kaya `ayun, tinanggalan na siya ng matris,” sabi ni Nanay Amparing.
“Mas mainam na nga iyong iisa ang anak nila at napakarami na ring anak ni Sir,” sabi naman ng ina ni Dulce.
“Siyang totoo. Pero lasa ko’y dinaramdam ni Madame iyon. Hindi man niya sabihin, nahuhulaan ko. Pero ano pa ba ang hihilingin niya, eh, siya naman ang inuuwian?”
“Aba, Amparing, intindihin mo rin. Paano kung sa `yo mangyari na ang asawa mo, sa dami ng anak, eh, puwede nang magtayo ng sariling hukbong sandatahan! Sa akin mangyari iyon, ewan ko lang kung hindi ko pa tatabasin ang ari ng asawa ko!”
Nabigla si Dulce dahil noon lang niya narinig na nagsalita ng ganoon ang ina. Mukhang hindi siya nito napapansin, tutok sa pakikipag-usap sa kasamahan.
Sumang-ayon si Nanay Amparing. “Totoo ka, Carolina. Pero tanggap na ng buong bayan, dapat lang na matanggap na rin niya.”
“Iyon na nga ang masakit, Amparing, na iniisip ng lahat na dapat niyang tanggapin iyon. Aba’y napakasakit kaya n’on sa isang babae.”
“Eh, bago naman niya kinasama si Sir, alam na niya. Hindi naman siya ang unang naanakan, pero siya ang itinuturing na legal na asawa. Aba, kung ako ang isa sa unang naanakan, malamang manggigigil ako sa kanya.”
“Sa isang banda, may punto ka, Amparing. Masakit din siguro iyon kung isa ka sa naunang naanakan pero iba ang kinasama, ano? Lalo na at doon sa ikalawa, tatlo ang naging anak ni Sir.”
“Totoo ka. Pero hindi naman masama ang loob ni Madame sa mga batang iyon, sa mga anak ni Sir na nauna kay Sir Joaquin. Kaya mabait ding talaga si Madame.”
“Nakakabilib nga rin siya. Kapag dumadalaw rito iyong mga anak sa una, siya pa ang personal na humaharap kapag wala rito si Sir. Siguro katwiran niya, nakaungos siya sa ina ng mga iyon, ano, Amparing? Isa pa, mababait din naman ang mga batang iyon, ano? Talagang asawa ng ama nila ang turing kay Madame at may regalo pa kay Madame tuwing birthday.”
“Siyang tunay. Kunsabagay, bihira naman sa anak ni Sir ang hindi mabait.”
“Bihira pero meron din!”
“Ay, ano ang aasahan mo kung ang mga ina ng mga `yon, eh, patapon? Eh, di ang anak, patapon din. `Kuu , karamihan pa sa mga anak na iyon, eh, babae, ano?”
Napapalatak ang ina ni Dulce. Saka siya napunang nakatingin sa mga ito imbes na sa ginagayat niyang patatas. Agad siyang pinandilatan ng ina, pinabalik sa kuwarto at pinagalitan. Hindi raw tama para sa isang bata ang makinig sa usapan ng matatanda.
“Nariyan si Sir Joaquin, anak,” sabi ng kanyang ina.
Biglang sumikdo ang dibdib ni Dulce pero hindi niya iyon ipinahalata sa lahat. Kung tutuusin, dapat ay alam niyang naroon si Joaquin dahil sila ang business partners, pero sa kanya na ipinagkatiwala nang ganap ng lalaki ang kanilang furniture business. Isa iyong uri ng pagtitiwala na alam niyang hindi basta ipinagkakaloob at dapat niyang pakaingatan.
“Nabanggit po sa akin ni Joaquin na palaging may sakit si Sir Dante,” sabi ni Dulce. May tatlong buwan na mula nang personal niyang makausap si Joaquin at mukhang dinaramdam nito ang pagkakasakit ng ama.
“Ay, oo. Sabi ng doktor, stress daw. Madalas na nandito lang sa bahay ang matanda. Madalas ding dumalaw dito ang mga anak kaya na-stress naman si Madame Alba,” sagot ng kanyang ina.
Napangiti siya sa kabila ng lahat. Talagang mai-stress si Madame Alba sa dami ng mga anak ni Sir Dante. “Kumusta po ang lagay ni Sir?”
“Stress nga lang daw iyon, sabi ng doktor. Palaging matamlay, nanghihina. Hindi naman masyadong mataas ang presyon. Pero nakakabahala rin dahil ang hinang kumain. Nangayayat na nga. Sinabihan nga ni Joaquin na magbakasyon, ayaw naman.”
Noon pumasok sa kusina si Joaquin at agad na napatayo si Dulce. Maganda ang naging pagngiti nito sa kanya, bagaman napansin niyang hindi iyon buo. May bumabagabag sa lalaki. At kapag may bumabagabag dito, may bumabagabag din sa kanya.
Mabait si Joaquin, isang uri ng kabaitang madalas maikumpara ng kanyang ina sa ama nito. Dahil ganoon si Sir Dante, parang lahat ng tao ay kaibigan, walang masamang tinapay. Isang abogado si Joaquin, ang presidente ng kompanya, bukod pa sa mga sarili nitong negosyo. Kasama sa mga negosyong iyon ang furniture business nila. Guwapo si Joaquin, tulad ng ama nito.
Malaki ang utang-na-loob ni Dulce sa pamilya Cardinal. Kung hindi dahil sa mga ito, hindi siguro siya nakapagtapos ng pag-aaral. Fine Arts graduate siya. Noong katorse anyos ay nagsimula siyang magkainteres sa paggawa ng mga muwebles. Ang kanyang ama ay mahusay gumawa ng mga muwebles. Sa katunayan, nagsimula ito bilang tagagawa ng muwebles sa bahay ng mga Cardinal bago naging all-around. Ang kanyang ama ang nagturo sa kanya.
Nang makapagtapos na ng Fine Arts ay kumuha siya ng Furniture Making course sa isang technical school, saka ilang ulit na dumalo sa mga seminar tungkol sa paggawa niyon na sponsored ng pinasukan niyang furniture company. Doon nabuhay ang pangarap ni Dulce na magkaroon ng sariling shop. Nang makaipon ay gumawa siya ng ilang pirasong showpieces, made to order. Katulong ang kanyang ama ay nakakuha siya ng ilang tauhan. At nang minsang ipa-renovate ni Joaquin ang lobby ng building ng mga ito ay siya ang inirekomenda ng kanyang ina bilang supplier ng mga furniture.
Kabado si Dulce sa simula, ayaw niyang mapahiya ang mga magulang sa pamilya Cardinal. Pero naging maayos ang lahat. Minsan siyang kinausap ni Joaquin, binuhay ang natutulog niyang damdamin ditong sumibol noon pa mang bata siya. Sinabi ng binata na malaki ang potensiyal ng kanyang negosyo pero magiging mabagal ang kanyang pag-asenso kung ang showroom niya ay nasa Internet lang. Sinabi ni Dulce na dahil iilan pa lang ang kanyang regular na kliyente ay hindi siya makapagrenta ng showroom. Inalok siya ni Joaquin ng partnership na agad niyang tinanggap.
Mabilis ang naging pag-asenso ng negosyo sa tulong na rin ng mga koneksiyon ni Joaquin. At kasimbilis niyon ay lumago nang lumago ang kanyang damdamin para sa binata. Nabuhay ang pag-asa niya na magiging nobyo si Joaquin dahil nagpapakita ito ng kabaitan sa kanya, ng pag-aalala, ng pag-aasikaso. Hindi naman siguro masamang pangarapin ang isang tulad nito.
“Kumusta, Sese?” tanong ni Joaquin sa mabait na tono. “Pasensiya ka na kung hindi ako nakakabisita sa factory, kahit sa shop man lang.”
“It’s okay. Alam kong may sakit ang papa mo,” sabi ni Dulce.
“Nagkakaedad na, ganoon siguro talaga.”
Wala siyang karapatang aluin si Joaquin sa paraang gusto niya. Gusto niyang sabihin sa binata na ihinga sa kanya ang sama ng loob nito at makikinig siya. Gusto niyang sabihing kung may maitutulong sana siya, kahit gaano kalaki o kaliit, huwag itong mag-aatubiling ipaalam iyon sa kanya.
Pero wala nang sinabi pang iba si Joaquin. Nagpahatid lang ng pagkain sa kuwarto ng ama at nagpaalam na ring babalik sa itaas.
Lihim na napabuntong-hininga si Dulce. Kailanman ay hindi pa nagsabi ng problema sa kanya si Joaquin. Hindi nito estilo ang ganoon, isang bagay na lalo lang nakakadagdag sa atraksiyon niya para sa binata.
“Kumusta naman ang shop ninyo, Sese?” tanong ni Ate Didith.
Nagsimulang magkuwento si Dulce. Wala siyang problema sa shop at factory. Katatapos lang nilang mai-deliver ang pinakamalaking order sa kanila—mga muwebles sa isang bagong tayong five-star hotel. Ang simpleng negosyong sinimulan niya noon ay isa nang multimillion business ngayon sa tulong ni Joaquin. May mga designer sila, at ang kanilang pabrika ay mayroon nang tatlong sangay—isa sa Valenzuela, isa sa Cebu, at isa sa Bulacan. Ang main showroom nila ay nasa Makati, sa isang gusaling nabili na rin nila noong nakaraang taon lang. May satellite offices din sila sa Davao, Cebu, Cavite, Laguna, at Singapore.
“Mabuti naman, Ate. Ito nga pong si Nanay, matagal ko nang sinasabihang magretiro na lang, tulad ni Tatay,” sabi niya sa mga kasamahan ng ina. Kailangan siguro niya ang tulong ng mga ito para makumbinsi ang ina na tumigil na sa pamamasukan. Hindi na nito kailangan iyon. Naibili na niya ang mga magulang ng bahay at farm. Plano niyang ibili ang dalawa ng higit pa roon pero ayaw ng mga ito.
“ `Kuu , araw-araw kong pinagsasabihan `yan,” nakaismid na sabi ni Nanay Amparing. “`Kako bakit siya nagtitiyaga rito na siya ang inuutusan, samantalang kapag umuwi siya, siya ang mayroong uutusan!”
“Siyang totoo,” sang-ayon ni Ate Didith. “Aba, kung ako ang nanay mo, Sese, matagal na akong nakahilata sa salapi. Para saan pang nagpagod nang halos buong buhay mo, nagtagumpay ang anak mo, kung hindi ka magpapasarap man lang bago ka ihatid sa hukay, hindi ba?”
“ `Kuu , pati hukay ko, pinakikialaman mo, Didith,” sabi ng ina ni Dulce. “Kailangan pa ako rito—”
“At ang tatay mo, Sese,” agaw ni Ate Didith. “Pagsabihan mo rin. Aba’y mayaman na nga, nagtitiyaga pa rin sa oner na sasakyan. Tuloy, palaging nasisiraan kapag sinusundo pauwi itong nanay mo.”
Lihim na lang na napabuntong-hininga si Dulce. Binilhan na niya ng pickup ang ama para wala nang maikatwiran sa kanyang hindi maaaring sakyan ng mabibigat ang kotseng una niyang ibinigay. Pero hayun, hindi pa rin pala nito ginagamit. Sanay sa simpleng buhay ang mag-asawa kaya nahihirapan pa rin sigurong mag-adjust sa bago nilang buhay. Iyon lang, minsan ay talagang hindi na convenient ang nangyayari.
“ `Kuu , eh, aanhin naman ang magarang sasakyan sa pagsundo sa akin?” sabi ng ina ni Dulce. Mas malala ito. Kahit ang kanyang ama ay kinukumbinsi nang magretiro ang nanay niya, pero sadyang ayaw nito. Ang katwiran ng kanyang ina, kailangan pa ito ni Madame Alba. Suportang moral daw ang ibinibigay nito sa babae. Utang daw nila iyon kay Madame Alba dahil kung wala ang babae, hindi siya nakapag-aral. Hindi raw por que nakapagtapos na siya ay iiwan na nito ang babae. Lalabas daw na wala silang utang-na-loob. “Kung ako lang, mas gusto ko pang mamasahe na lang. Mas matipid pa sa krudo.”
“Ay, ewan ko sa `yo, Carolina,” sabi ni Nanay Amparing. “Palagi mong sinasabing kailangan ka pa rito ni Madame Alba. Bakit, hindi ba siya mabubuhay nang wala ka? Ano ka, hangin? Paano mo nga naman mapapakinabangan ang pinaghirapan ninyong mag-asawa kung ayaw mong umalis dito? Aba, sa edad mong `yan, dapat nagpapahinga ka na rin naman. Aba, kung ako ang may anak na ganyan at bibigyan ako ng farm, uuwian ko na sa isang iglap. Bakit ko pa patatagalin? Luka-luka ba ako?”
Umingos ang kanyang ina. Hiling ni Dulce na sana ay nakukumbinsi na ang matanda kahit paano. Pero mayamaya ay humirit ito, “Uuwi lang ako roon kapag nag-asawa na itong si Sese.”
Gumanti ang kanyang ina. At sapul na sapul si Dulce. Sa birthday niya ay mawawala na siya sa kalendaryo at mukhang malabong makatagpo siya ng lalaking mapapangasawa sa lalong madaling panahon. Isa lang ang itinitibok ng kanyang puso, si Joaquin at wala nang iba. Paano ba niya malilimutan ang lalaki gayong tutol ang kanyang kalooban na huwag na itong mahalin? Why? Because Joaquin was not some jerk she could convince herself not to love anymore. Masarap mahalin si Joaquin dahil perpekto itong lalaki. Ang sabi nila, wala raw perpektong lalaki, pero hindi kilala ng mga nagsabi niyon si Joaquin.
Mayamaya ay tumunog ang intercom at si Ate Didith ang sumagot niyon, saka siya binalingan. “Sabi ni Sir Joaquin, gusto ka raw kausapin, Sese. Nasa kuwarto siya ni Sir Dante.”
Agad na tumayo si Dulce at lumabas ng kusina. Nang mapadaan sa salamin sa sala ay saglit siyang nag-retouch, saka pumanhik sa mataas na hagdan. Nasa labas na ng kuwarto si Joaquin, mukhang hinihintay talaga siya. Nagpunta sila sa library.
“I need to ask you a favor, Sese,” sabi nito, seryoso ang boses. “You can say no, of course. It’s just that you’re the only one I can trust.”
Mayroong pag-alon ang dibdib niya sa sinabi nito. Muli, nagbigay ng malaking karangalan sa kanya ang malaking pagtitiwala ni Joaquin. Walang pag-aalinlangan ang kanyang sagot. “Anything, Joaquin.”
“I need you to find my missing brother.”
“A new one or one of the old ones?”
Biglang napangiti si Joaquin, saka tumawa nang malakas.
Nag-init ang mukha ni Dulce. Sa dami kasi ng anak ng ama nito ay nalito siya. Kahit siya ay hirap tandaan ang pangalan ng bawat isa, lalo na kung sino-sino ang ina ng mga iyon.
“A new one, one who probably doesn’t even know his father is my father. Can I trust you with all the information?”
“Of course, Joaquin.” I’ll do anything for you.

Baba Esparanza (Cardinal Bastards Series 1)
25 Chapters
25
Contents

Save

My Passion
Copyright © 2026 Passion
XOLY LIMITED, 400 S. 4th Street, Suite 500, Las Vegas, NV 89101